Kabanata 3: Isang Bituin sa Altar
Martes ng umaga, muling bumalik si Mateo sa simbahan. Katulad ng dati, hawak parin niya ang kanyang camera—parang parte na ito ng kanyang katawan, laging nakasabit sa kanyang leeg.
Makulimlim parin ang langit sa Santa Rosa, tila ano mang oras ay nag-babadyang umulan. Nasa loob ng Simbahan si Gabriel, muling nag-iikot-ikot, may mga ilang gamit nang napalitan, tulad ng lumang bumbilya sa opisina sa likod ng altar.
"Magandang umaga ulit, Father," bati ni Mateo.
Ngumiti si Gabriel. "Magandang umaga rin sa'yo." Bati nito pabalik. "Napalitan na ang mga ilaw, nasa loob ng opisana si Aling Consuelo at nililinis niya, maari ka nag dumiretso doon."
Hindi siya tumigil para makipag-usap pa. Sa totoo lang, simula pa nang matapos ang usapan nila kahapon, may kung anong pakiramdam na sa loob ni Gabriel na ayaw niyang pangalanan. Maiksi lamang ang kanilang palitan ng salita, ngunit ang bigat nito'y tumagal sa kanyang isipan.
Simula ng mag-usap sila ni Mateo, patungkol sa pananaw nito sa paniniwala sa Simbahan at sa relihiyon ay tila ba may ibang epekto ito kay Gabriel. Alam niyang matatag ang pananampalataya niya sa Diyos, pero sa naging usapan nila ni Mateo ay tila na kwestyon niya ito.
Kaya ginawa ni Gabriel ang nararapat, iniwasan niya si Mateo sa pamamalagi nito sa Simbahan, hindi siya sumilip sa opisina para tignan sila ni Aling Consuelo, hinayaan niya ito na gawin ang dapat niyang gawin.
Mag-tatanghali na ng lumabas si Mateo sa opisina, nakatingin ito sa kanyang camera habang nag-lalakad palabas ng simbahan. Sinundan siya ng tingin ni Gabriel, nang malapit na ito sa pintuan ay tinawag niya ito.
"Mateo,"
Aagad napalingon sa kanya si Mateo. "Hala, pasensya na Father hindi ko po kayo nakita kaya hindi na ako nag-paalam sa inyo. Aalis na po ako, maraming salamat." Anito habang kumakamot sa batok.
Dahan-dahan namang nag-lakad si Gabriel palapit sa kanya, pag-katapos ay inabot ang isang piraso ng papel.
"Ito," Inabot niya kay Mateo. "Listahan ng mga lumang simbahan at kapilya dito sa Santa Rosa, magaganda rin ang mga 'yan. may mga century-old structures pa diyan."
Kinuha ni Mateo ang papel. Binasa ang bawat pangalan. "Salamat po," Isinuksok nito ang papel sa bulsa. "Babalik ako, Father. Pero susubukan ko munang puntahan ang mga nasa listahan niyo."
Tumango si Gabriel. "Ingat." Tipid na sagot nito.
Pagkatapos ng Martes, ay hindi na muling bumalik si Mateo sa simbahan. Tahimik ang mga sumunod na araw para kay Gabriel. May mangilang ngilang dumadalaw para mag-tanong patungkol sa kumpil, sa kasal at sa binyag, pero tila hindi ito ang hinahanap ni Gabriel, parang may kulang, kahit alam niyang hindi dapat siya naghahanap.
Bakit nga ba tila may kulang? Hindi niya maamin sa sarili. Hindi niya dapat aminin. Isa lang naman si Mateo sa mga panauhin ng simbahan—isa sa mga dumarating at umaalis.
Bakit yata tila may iniwan si Mateo na hindi niya maipaliwanag? Isang presensyang hindi maalis sa loob ng simbahan kahit wala na siya roon. At bakit ang isang simpleng pag-uusap, na wala pa yatang isang oras, ay tila ba umuukit sa kanyang isipan, paulit-ulit?
Sanay si Gabriel bilang isang pari sa katahimikan. Sa pagitan ng mga dasal, ng pagninilay, ng sermon, ng pakikinig sa mga kasalanan ng iba. Ngunit kakaibang uri ng katahimikan ang iniwan ng presesnya ni Mateo sa kanya. Hindi ito tahimik na payapa, kundi tahimik na kumakagat—tila nananabik sa kasunod, tila may hinahanap.
Hindi niya ito sinulat sa kanyang journal ng discernment, ngunit sa bawat gabing mag-isa siya sa kanyang kwarto sa mga sumunod na araw ay may tanong na nananatili: Bakit tila hinahanap ko ang pag-uusap na iyon? Tila gusto ko pa siyang makilala?
Hanggang sa dumating ang Linggo.
Maaga palang ay abala na si Gabriel sa paghahanda ng misa. Pinunasan niya ang altar, inayos ang mga kandila, at sinigurong maayos ang tunog ng mikropono. Tahimik siyang nagdasal sa liko ng simbahan, mariing ipinikit ang mga mata.
Tumunog ang kampana sa eksaktong alas-diyes ng umaga.Isa-isang dumating ang mga tao. Mga matatanda, kabataan, ilang turistang hindi pamilyar. Kumpara noong unang linggo niyang misa ay 'di hamak na mas marami ang tao ngayon.
Bigla tuloy niyang naalala ang sinabi ni Aling Consuelo sa kanya na noong nakaraan na usap-usapan raw sa mga tindahan at palengke na may bagong pari ang simbahan, nabanggit rin kung gaano siya kabata, kung paano siya nagsasalita, at ang pinaka matunog sa lahat ay kung gaano siya kapogi para sa kanila.
Tahimik siyang nakaupo sa altar, hawak ang breviary, habang unti-unti nang napupuno ang simbahan. Ang mga matandang deboto ay inukopa ang unahang bangko, mayroon ding mga nanay na may kasamang bata, mga magsing-irog na magkatabi.
Tumayo siya sa gilid ng altar ng umpisahang awitin ang pambungad na awit. Mula sa kanyang kinkatayuan, tanaw niya ang mga mukha ng mga taga Santa Rosa, ngunit tila ba may hinahanap siya sa dagat ng mga tao.
Inikot ni Gabriel ang tingin. At naroon ito, sa may likurang bahagi ng simbahan. Nakasandal sa poste, hindi na nito piniling maupo kahit may mga espasyo pa. Tahimik na nagmamasid sa paligid.
Hindi siya nakasuot ng pormal. Isang simpleng itim na damit na hapit sa kanyang katawan at faded na maong. At andoon parin ang camerang nakasabit sa kanyang leeg. Para bang iyon ang kanyaang panata sa mundo: ang maging tagapagbantay ng mga larawang may kwento.
At gaya ng unang beses na makita niya ito, tila ba may sariling bigat ang kanyang presensya. Hindi dahil mayabang. Hindi dahil istorbo. Kundi dahil... naroon lang.
Buo.
Buo sa paningin ni Gabriel—at 'yon ang ang problema.
Pinilit ni Gabriel na ibalik ang kanyang atensyon sa misa. Tumayo siya sa pulpito. Huminga ng malalim. Tumingin siya sa kanyang script ng homiliya. Ngunit kahit gaano niya piliting ituon ang isip sa Ebanghelyo, naroon ang bigat sa kanyang dibdib—ang pakiramdam ng pagkasabik at ang kuryusidad sa buhay ni Mateo.
Nang matapos ang paunang awit ay hinintay muna niyang manahimik ang paligid bago niya simulang bigkasin ang mga salita.
"Mga kapatid sa pananampalataya, magandang umaga po sa inyong lahat," Sabay-sabay na sumagot ang mga tao sa loob ng simbahan, sandaling sumulyap si Gabriel sa pwesto ni Mateo. "Ang sakripisyo ay hindi laging nasusukat sa sakit. Minsan, ito'y mas nasusukat sa katahimikan—sa kakayahang hindi ipaglaban ang isang bagay, kahit gustong-guto mong ipaglaban ito."
Tahimik ang simbahan.
"Ang pagtanggap sa kalooban ng Diyos ay hindi laging madali. May mga pagkakataon na kailangang bitawan natin ang ating sarili upang mas mailapit ang puso sa Kanya."
Habang ibinabahagi niya ang Ebanghelyo ay hindi niya maiwasang mapatingin sa likurang bahagi ng simbahan, kung saan naka pwesto si Mateo. Hindi naman ito nakatingin sa kanya, ngunit ang presesnsyang dala nito ay tila ba kumakapit sa bawat salitang kanyang binibigkas.
"At sa mga panahong hindi na natin maintindihan kung bakit tayo nasasaktan, ang pananampalataya ang nagiging tanglaw."
Tumigil siya saglit. Malalim na buntong-hininga. Sa loob ng kanyang isipan, hinahanap ni Gabriel ang landas sa kapanatagan. Ngunit wala. Sa halip, naroon ang alaala ng usapan nila ni Mateo—kung paano ito tumindig sa paniniwala niya, at kung gaano ito kabuo—at kalayang mag-isip.
"Ang sakripisyo ay hindi laging pagtitiis," patuloy niya, "Minsan, ito pa ang pinaka-matapat na anyo ng pagmamahal." Muli siyang sumulyap sa mga tao, "Ang pagmamahal na totoo, ay hindi palaging kailangan ipagsigawan. Minsan, ang pinakatapat na panalangin ay 'yong hindi naririnig ng iba, pero ramdam ng Diyos."
Nagpatuloy ang misa. Walang aberya. Walang pagkakamali. Ngunit sa bawat pagtiklop ng pahina sa misal, sa bawat pagtawid ng dasal, parang may binubuksang pinto si Gabriel na matagl na niyang sinarado.
Pagdating ng oras ng komunyon, isa-isang pumila ang mga tao. Nakayuko si Gabriel habang hawak ang ostya, at isa-isang binibigyan ang bawat lumalapit.
Hanggang sa huling bahagi ng pila, naroon si Mateo. Tahimik. Bitbit parin ang camera na ngayo'y nakasabit sa kanyang gilid.. Sa paglapit niya kay Gabriel, nagtama muli ang kanilang mga mata.
"Hindi parin ako naniniwala sa Diyos, Father," bulong ni Mateo, may ngiti sa kanyang mga labi. "Pero naniniwala ako sa Ebanghelyo mo—dahil galing 'yon sa'yo."
Hindi nakasagot si Gabriel. Inabot niya ang ostya, bahagyang nanginginig ang kamay.l Ibabot itobkbk
"Corpus Christi," mahina niyang sabi.
Tinanggap ni Mateo ang tinapay, saka marahang tumango, hindi binigkas ang salitang 'amen" at bumalik sa kanyang kinatatayuan sa likod ng simbahan. Ngunit sa halip na tumalikod agad, tiningnan niya muli si Gabriel—isang tinging hindi nanunumbat, kundi puno ng pagtanggap.
At nang matapos ang misa, at ang huling kanta ay unti-unting humina, muling inikot ni Gabriel ang kanyang tingin.
At doon—sa likod ng simbahan, sa ilalim ng liwanag ng huling kandila—muling nagtagpo ang kanilang mga mata.
Parang dalawang bituin sa magkabilang kalawakan, magkalayo ngunit parehong nagniningning sa gitna ng katahimikan.
Comments
Post a Comment