Kabanata 4: Ang Lalaking Walang Pananampalataya

☰ Chapters
Maaga pa lamang ay abala na ang mga tao sa lumang simbahan ng Santa Rosa. Maaga ring nagising ngayon si Father Gabriel at maging si Aling Consuelo. Ngayon gaganapin ang inorganisa ng parokya nilang maliit na charity event para sa mga taga Santa Rosa. Mayroon silang libreng pakain, may mga volunteers din na studyanteng mag-tuturo sa mga bata at ngayon rin makikilala ni Father Gabriel ang mga bagong Youth Ministries ng simbahan.

Hindi maitago ang kasiyahan kay Gabriel. Ngayon ang ikatlong linngo niyang pari sa kanilang bayan kaya naman ay tila nasasanay na siya sa paligid. Napapalitan na ng banayad na ngiti ang dating pananahimik. Sa labas ng simbahan ay may mga mesa at toldang itinayo, may kasamang mga aral at mga palaro para sa mga bata. Habang sinusulyapan ni Gabriel ang paligid, napansin niyang dumating si Mateo, may dala ulit itong camera at may suot na simpleng puting t-shirt at maong.

"Andito narin pala si Mateo Father, talaga nag presinta pa siyang maging photographer ngayon." Sabi ni Aling Consuelo habang inaayos ang mga gamit sa lamesa.

Hindi inaasaha ni Gabriel na makikita niyang muli si Mateo sa ganitong tagpo. Napansin ni Gabriel ang tila mas magaan na kilos ni Mateo ngayon, mas maliwanag ang mga mata habang kinukuhanan ng litrato ang mga batang nagtatawanan. Napalapit si Mateo sa isang grupo ng mga bata— naglalaro na sila ng luksong tinik at siya mismo ang nagtuturo kung paano ito laruin.

Maya-maya pa, humagalpak ang mga bata sa tawa. Si Mateo ay nakangisi, hawak ang camera at ipinapakita sa mga bata ang mga candid shots nila.

"Kuya! Kuya Mateo! Tignan mo ako!" sigaw ng batang lalaki, kumakaway pa habang tumatakbo.

"O, teka lang ha. isa-isa lang. Dapat lahat may picture." Sagot ni Mateo.

Tahimik lang si Gabriel habang pinagmamasdan si Mateo. Hindi niya maiwasang mapangiti. Kahit ang mga student volunteers ay nahuhuling nakatitig kay Mateo—kinikilig, pasimpleng nagpapapansin, at tila sabay-sabay nag-aalok ng juice o tubig dito.

Hindi imposible. Maganda ang hubog ng katawan ni Mateo, ang kanyang mga mata ay malalim at punong-puno ng emosyon kahit sa katahimikan, at ang kanyang mga ngiti—bihira pero tunay. Isa siyang uri ng lalaking hindi mo agad malilimutan.

Pero higit sa pisikal na anyo, ang ikinagulat ni Gabriel ay ang natural na pagiging palakaibigan ni Mateo sa mga bata. Walang pilit. Walang sapilitan. Para bang may bahagi sa puso niyang nakalaan talaga sa mga inosente.

"Magaling siya sa mga bata, ano?" sabi ni Aling Consuelo, lumapit habang may dalang tray ng tinapay.

"Oo nga po. Hindi ko inakala," sagot ni Gabriel.

Ngunit sa ilalim ng paghanga ay may nananatiling tanong sa kanyang puso: paano nagiging ganito kabuti ang isang taong walang pananalig? Paano napapanatili ni Mateo ang init sa kanyang puso kahit wala siyang Diyos na kinikilala?

Habang lumalalim ang hapon, unti-unti na ring nauubos ang mga bisita. Ang mga volunteers ay nagsimula nang magligpit ng gamit. Ang mga estudyante ay nagpaalam na kay Gabriel at kay Aling Consuelo, may ilan pang nag-group picture kasama si Mateo bago tuluyang umalis.

"Salamat po, Father! Salamat din po Kuya Mateo!" sabay-sabay nilang bati.

Pagkatapos ng huling paalam, tahimik na naupo si Mateo sa isang sulok ng tent. Pinapahid ang pawis sa kanyang batok gamit ang isang panyo. Nakatingin ito sa mga larawang nasa screen ng kanyang camera—mga batang tumatawa, naglalaro, at ang simpleng kasiyahan na dala ng araw na iyon.

"Ang ganda ng mga kuha mo," ani Gabriel, lumapit sa kanyang likuran.

"Di ko inaasahan na magiging ganito kasaya 'to. Akala ko simpleng event lang, pero ibang klase pala 'pag ganito kabuhay ang simbahan," sagot ni Mateo.

"Salamat sa pagtulong. Wala ka naman talagang obligasyon dito."

"Wala nga po Father. Pero... ewan ko. Gusto ko lang tumulong. Parang tama lang."

Napatingin si Gabriel sa kanya, at sa loob ng ilang segundong katahimikan, tila may bumigat sa paligid.

"Kung gusto niyo Father," biglang sabat ni Mateo habang inaayos ang strap ng kaniyang camera, "tutulungan ko na po kayo magligpit."

Napalingon si Gabriel kay Aling Consuelo na kasalukuyang nag-aayos ng mga natitirang plastic containers ng tinapay. "Kung hindi ka busy," sagot ni Gabriel, "malaking tulong 'yan."

"Hindi naman po. Wala rin akong balak umuwi agad," sagot ni Mateo sabay tayo. "Saka mukhang mabigat nga 'tong mga mesa, Father"

Napangiti si Gabriel. "Salamat,' saad niya.

Natawa si Mateo, ngunit walang yabang sa kanyang tinig—parang biro lang, at may halong lambing na hindi niya rin yata napapansin. Sa mga susunod na minuto, sabay nilang tiniklop ang mga plastic chairs, ibinalik ang mga extension cords sa kahon, at binuhat ang ilang mesa pabalik sa storage room ng simbahan.

Pagkatapos nilang maayos ang lahat ay dumiretso si Aling Consuelo sa kusina, pero bago ito pumasok sa loob ay inalok nito si Mateo.

"Kung hinndi ka nagmamadali Mateo, dito ka na rin mag hapunan. Nagsasaing na rin naman ako, at may sinigang akong niluluto—baka magustuhan mo!"

"Sigurado po kayo, Nay?" tanong ni Mateo, bakas sa boses ang pagkahiya.

"Aba'y oo naman! Hindi ka ba gutom? Alam kong napagod ka rin kanina."

Napakamot ng ulo si Mateo. "'Di na po ako magpapakipot. Ang bango rin kasi ng sinigang n'yo."

"Hay nako. Maghilamos ka muna d'yan at magsuot ng malinis. May t-shirt pa diya sa mga kahon, maghanap ka nalang ng magkakasya sa'yo."

Tila batang tumango naman si Mateo sa sinabi sa kanya ni Aling Consuelo.

Hindi man niya sinabi nang hayagan, natuwa si Gabriel sa mungkahi. Tumango lang siya, at pumasok narin sa opisina upang makapag bihis na.

Pagkatapos makapag palit ng damit ay dumiretso sa labas ng simbahan si Mateo, dahan-dahan ang naging lakad niya tila ba nag-iingat na hindi mahuli. Ang hapon ay nagsisimula nang dumilim, lumalamig narin ang simo'y ng hangin.

Sa ilalim ng puno ng santol sa may likod ng simbahan ay dahan-dahang inilabas ni Mateo ang isang kahon ng sigarilyo mula sa likod ng kanyang bulsa. Parang bata siyang palihim na kumuha ng sigarilyo, nang sindihan niya ito, humithit siya sabay buga pababa, mabilis at maingat, pilit na inilalayo sa direksyon ng kusina.

Hindi niya alam na mula sa bukas na bintana sa loob ng kumbento, nakita siya ni Father Gabriel.

Tahimik na lumabas ang pari, naglakad sa puno ng Saantol kung nasaan si Mateo. Hindi siya agad nag-salita. Pinanood muna niya ito ng ilang segundo—parang sinusuri hindi bilang pari, kundi bilang taong na intriga.

Nang mapansin ni Mateo ay napamura ito. "Shit!" Pero agad ding napatikom nag bibig ng mapagtanto niyang pari ang kaharap niya. "Ay sorry po Father," sabi niya at agad na itinapon ang sigarilyo sa lupa at tinapakan. "H-hindi ko po talaga napigilan, hindi ko na po uulitin." Sabi niyang habang napakamot sa ulo.

"Hindi ako galit Mateo," aniya. "Pero alam mo banag masama sa katawan ang paninigarilyo?"

Muling napakamot ng batok si Mateo. "Alam ko po. Matagal ko nang gustong itigil Father, paminsan minsan nalang talaga..."

Hindi sumagot agad si Gabriel. Lumapit pa ito kay Mateo at pumwesto sa tabi niya, nakatayo silang dalawa ngayon sa silong ng santol, sa dapit hapon.

"Mahirap naman talagang kalimutan ang mga bagay na kinagawian," ani Gabriel. "Lalo na kung matagal mo na silang karamay."

Tahimik na tango lang ang isinagot ni Mateo. Ilang saglit ng katahimikan, bago siya muling nagsalita.

"Gusto n'yo po bang makita 'yung ibang kuha ko kanina?" Alok ni Mateo para basagin ang nakakabinging katahimikan sa pagitan nilang dalawa.

"Marami kabang kuha kanina?"

"Syempre naman Father! Medyo nadala narin kasi ako sa saya ng mga bata," sagot ni Mateo, sabay abot ng camera kay Gabriel.

Isa-isang tinignan ni Gabriel ang mga larawan habang si Mateo naman ay nakatingin lang sa gilid, pinagmamasdan ang reaksyon ng pari. May mga batang tumatawa, may mga youth volunteers na naglilinis, may kuha ng lumang kampanaryo na tila ginawang dramatiko ng angle ng liwanag.

Bigla, sa gitna ng mga litrato, lumitaw ang isang candid shot—si Father Gabriel, nakaupo sa ilalim ng tolda, bahagyang nakayuko habang may hawak na tinapay, ngumingiti sa isang batang nasa harap niya.

Tila napansin naman ni Mateo ang pagtitig ng pari sa kuha nito. "Pasensya na Father, hindi ko kasi matiis, ang ganda kasi ng ngiti niyo diyan." Sabi niya.

"Hindi, okay lang," ani Gabriel, nakatitig pa rin sa larawan.

"'Yan po yata ang paborito kong kuha ngayong araw," biglang sambit ni Mateo, medyo mahina. "'Yong ngiti niyo po kasi diyan... hindi 'yung pang-sermon o 'yung pormal. Totoo. Parang... masaya lang talaga kayo."

Sa sandaling iyon, masaya nga siya—at hindi niya namalayang ganon ang itsura niya.

"Hindi ko namalayang may kumuha," ani Gabriel.

"Ganon po talaga ang mga tunay na sandali. Hindi pinaplano," sagot ni Mateo. "'Yun po ang gusto ko sa photography. Minsan, mas totoo ang hindi handa."

Muli silang binalot ng katahimikan sa gitna ng banayad na dapit hapon.

"Minsan naiisip ko, Father," panimula ni Mateo, "kung anong klaseng tao kaya ako kung lumaki ako sa ibang sitwasyon. Mas kompleto. Mas may gabay."

"Walang perpektong pagpapalaki," sagot ni Gabriel. "Pero bakit mo naisip 'yan ngayon?"

"'Yung mga batang tinulungan natin kanina... marami sa kanila, walang tatay. Yung iba, nanay lang. Yung iba, lola. Tapos tinitingnan ko sila—ang kukulit, ang sasaya. Pero alam kong... hindi madali 'yung bitbit nila."

Huminga nang malalim si Mateo. "Kasi ganon din ako noon... Si Mama lang ang kasama ko. Hindi siya perpekto, pero ginawa niya lahat. Minsan gutom kami, minsan wala kaming matulugan na maayos. Pero... buhay kami. At masaya siya kapag masaya ako."

Tumango si Gabriel. "Malaki ang utang natin sa mga magulang na nagtaguyod kahit mag-isa."

"Pero sa totoo lang, Father... kahit ganon, lumaki akong may tanong. Lalo na sa Diyos. Kung may Diyos, bakit ganon ang buhay namin? Bakit 'yung ibang bata, may mas magaan na mundo? Bakit kami, laging may kulang?"

Hindi agad sumagot si Gabriel. Alam niyang hindi ito tanong na may simpleng sagot. Hindi ito sermon na puwedeng tapusin sa isang versikulo.

"Hanggang ngayon, hindi pa rin ako naniniwala. Hindi dahil galit ako. Kundi kasi... hindi ko Siya nakilala. Wala Siyang pinakilala sa akin."

Napatingin si Gabriel sa kanya. Walang paghusga sa mata niya, kundi pag-unawa. At marahil, paghanga rin. Sa tapang ng lalaking ito na amining hindi siya naniniwala, pero nariyan—tumutulong, nakikipagkapwa, kasama ng isang pari.

"Bihira akong makatagpo ng taong kayang magsabi niyan ng ganyan ka-diretso," ani Gabriel.

Ngumiti si Mateo, bahagyang napayuko. "Siguro kasi wala na rin akong ibang kailangang patunayan."

Tahimik na tumango si Gabriel. Ngunit sa katahimikan ay may bumubalong sa kanyang dibdib—isang damdaming hindi niya kayang bigyang pangalan. Hindi ito awa. Hindi ito simpleng paghanga. Isa itong paghila. Isang pagnanais na manatili sa presensya ng lalaking ito—hindi dahil kailangan siyang baguhin, kundi dahil nais niyang mas kilalanin pa.

Maya-maya pa'y narinig nila ang tawag ni Alin Consuelo mula sa loob ng bahay.

"Kakain na tayo!" Sigaw ng matanda.

"Tara na, Father. Baka si Nay Consuelo pa ang mangaral sa'tin." Biro ni Mateo saby tawa.

Tumawa si Gabriel, pero hindi na muling nakapagsalita. Sa kanyang loob, may isang bagay na nagsisimulang gumalaw—hindi maingay, pero malakas. Isang pagkabighani. Isang pagnanais. Isang paanyaya sa sariling huwag nang umatras.

Sa katahimikan ng kanilang sabayang paglalakad papasok sa kusina, doon niya inamin sa sarili.

Na si Mateo ay higit pa sa isang bisita sa simbahan.

Higit pa sa isang lalaking walang pananampalataya.

Si Mateo ay isang paalala—na may mga bagay sa mundo na hindi kailangang maipaliwanag ng pananampalataya para maramdaman. Na may mga taong dumarating na parang bagyo—hindi mo alam kung saan galing, pero bigla kang dinadala sa gitna ng sarili mong unos.

At natatakot siya.

Dahil dati na siyang nalunod sa ganitong damdamin. Dati na siyang sumugal. At minsan na rin siyang iniwan ng mga tanong na walang sagot.

Pero si Mateo...

Si Mateo ay hindi tanong. Isa siyang sagot na hindi hiniling. Isang misteryong ayaw ipilit, pero gusto niyang muling silipin, muling hanapin, muling danasin.

Sa gabing iyon, habang kumakain sila sa iisang hapag, habang naririnig and halkhak ni Aling Consuelo dahil sa mga kwento ni Mateo, at habang pinagmamasdan niya ito mula sa kabilang dulo ng mesa, tahimik lang ang kanyang puso.

Wala siyang sinabi. Wala ring kailangang sabihin.

Sa simpleng tingin, sa katahimikang iyon, naramdaman niyang gusto niyang manatili pa. Na nais pa niyang marinig si Mateo, makilala ang mga bahagi ng buhay nito na hindi pa naisusulat.

Hindi ito pagnanasa. Hindi rin ito awa.

Isa itong pagnanais. Tahimik pero malinaw.

At sa bawat sermon na naipangaral niya sa pulpito, ngayon lang siya natutong makinig nang ganito katahimik.

Dahil minsan, hindi salita ang kailangan para maniwala.

Minsan, tao lang.

Comments