Simula: Isang Siglong Tahimik
Ang hamog ay mabigat sa mga dahon ng santan. Ang hangin ay parang nagdarasal, tahimik ngunit mabigat, at ang mga kampana sa kapilya ay nagbabanta ng isang panibagong araw na hindi alam ni Gabriel kung kaya pa ba niyang harapin.
Suot ang puting sotana, malinis at plantsado, nag-lakad siya sa sementadong daan patungo sa kapilya ng seminaryo. Isang taon na siya rito. Isang taon ng pag-iwas, pagdarasal, at paninikluhod sa altar ng pagtanggi.
Bente uno. Bata pa, sabi ng iba. Pero pakiramdam niya, ilang daang taon na ang lumipas simula nang mapilit siyang talikuran ang sarili.
Una niyang naramdaman ang pagkakaiba sa sarili noong labing pito siya. Isang simpleng pagkakaibigan sa isang kaklaseng lalaki sa youth ministry ang unti-unting naging isang dahilan ng kaba sa dibdib, hindi dahil sa kasalanan, kung hindi sa kung gaano ito kasarap. Isang sulyap habang nag-aayos ng gitara. Isang tawa na masyadong tumagal. Isang gabi ng tahimik na yakapan sa ilalim ng rebulto ni San Jose matapos magpractice.
Sa kapusukan ay dito naranasan ni Gabriel ang unang halik, hindi sa kapwa babae kung hindi sa kapwa lalaki.
Simpleng halik lang naman sana 'yon. Pero alam niyang mali... o 'yun ang turo sa kanya.
Sinubukan ni Gabriel na ipagpatuloy ang lihim na relasyon sa kaibigan, masaya siya kahit silang dalawa lang ang nakaka-alam ay panatag ang loob niya. Pero alam ni Gabriel na walang sikretong hindi nabubunyag, kumalat sa kanilang lugar ang lihim nilang relasyon.
Sariwa pa sa isip ni Gabriel kung papaano siyang sinampal ng ama sa harap ng altar, kasama ang mga kaibigan niya sa yout ministry, at sa harap ng lalaking nooy minamahal niya.
"Wala akong anak na bakla!" Ang sigaw na umalingawngaw sa loob ng simbahan ng Santa Rosa.
Kaya't ipinasok siya ng ama sa seminaryo. Ang akala niya, doon mawawala ang lahat ng damdaming 'yon. Na baka mapatawad siya ng Diyos kung kaya niyang kalimutan. Pero sa halip, mas lumalim ang mga tanong, at mas tumindi ang lungkot.
"Santiago, ikaw ang magbabasa ng Ebanghelyo."
Lumapit si Brother Gabriel sa ambo, hawak ang Biblia. Kabado siyang huminga, ngunit sanay na siya. Ipinikit niya ang mga mata bago basahin.
"Kung may sinuman sa inyo ang walang kasalanan, siya na ang unang bumato..."
Sa gilid ng kanyang paningin, nakita niya si Brother Anthony, nakaupo sa ikalawang hilera. Magaan ang ngiti, malambot and mata, tila ba nangungusap sa tuwing tinitignan niya, at laging nauunang bumati sa kanya sa tuwing nag-kakasalubong sila sa pasilyo ng semenaryo. Kaedad niya. Mas masayahin. Mas bukas.
At oo... mas lalong delikado sa panata niyang huwag muling makaramdam ng kakaiba. Tinuring niyang isang patibong si Brother Anthony, na kapag ipinag-patuloy niya, ay alam niyang mapapahamak siya.
Tuwing gabi, sa kanilang tahimik na silid na walang kurtina, palaging gising si Gabriel nang mas matagal kaysa sa iba. Nakatingin sa kisame, pinakikinggan ang huni ng kuliglig sa labas ng bintana. Sa ilalim ng kanyang kumot, mga salitang hindi niya masabi ang bumabagabag.
"Bakit mo ako nilikha ng ganito, Panginoon?"
Hindi niya ito masabi sa kumpisalan, sapagkat papaano mo ikukumpisal ang isang bagay na hindi mo pinili?
"Mahal ko ang Diyos, pero bakit sa tuwing iniisip ko si Anthony, mas ramdam kong may puso ako?"
Pinili ni Gabriel na isantabi ang sarili. Hindi siya pwedeng matukso, itinuturo sa kanila na kasalanan ang umibig sa kapwa lalaki. Sa bibliya, nakasulat na ang Lalaki ay para sa Babae at ang Babae ay para sa Lalaki. Kaya kahit mahirap, kaya kahit kasalanan ang mag-sinungaling, ikinubli ito ni Gabriel. Ikinulong sa lugar na kahit siya ay handa niyang kalimutan.
Pero isang gabi ng Disyembre, habang malamig at mahamog ang paligid, nahuli siya ni Brother Anthony sa labas ng silid-aklatan. Mag-isa siyang nakaupo sa labas, may hawak na rosaryo pero 'di gumagalaw ang mga labi.
Hindi siya nanlalamig, ngunit naninigas ang dibdib niya sa mga tanong na hindi masambit. Papaano kung mali talaga siya? Papaano kung ito ay pagsubok? O parusa?
Hindi niya alam.
Ang tanging alam lang niya ay tuwing lumalapit si Brother Anthony, bumibilis ang pintig ng puso niya, at sa isang lugar gaya ng seminaryo, ang puso ay dapat tahimik.
"Hindi kaba nagyeyelo d'yan?"
Napalingon si Gabriel sa kanyang likuran. Agad niyang nakita si Brother Anthony suot ang jacket na may tatak ng seminaryo, may hawak na dalawang tasa, umuusok pa, at ngiting tila sinag ng araw sa gitna ng gabing walang bituin.
"Hindi naman," tipid na sagot ni Gabriel. "Sanay na ako sa lamig."
Umupo si Brother Anthony sa tabi niya. Hindi nagtanong kung pwede ba, basta ay umupo nalang... tulad ng mga taong hindi takot sa katahimikan.
"Sanay narin akong hindi tanungin kung kamusta ako," Mahinang tumawa si Brother Anthony sa biro niya.
Tahimik lang si Gabriel, muling hinawakan ang rosaryo at pinilit na ibalik ang atensyon sa pagdarasal kahit nagwawala na ang puso niya sa kaba at hiya.
Inabot sa kanya ni Brother Anthony ang isang tasang hawak.
"Salabat, gawa ni Brother Noel. mainit 'yan. uminom ka."
"Ayoko ng salabat." Bulong ni Gabriel, halos hindi naririnig.
"Kahit mainit?" Tanong ni Brother Anthony, nakangiti. "Sayang 'yung init, baka sakaling may matunaw." Muli nitong biro.
Tumawa si Brother Anthony , dahil dito ay napalitang tumawa si Gabriel, ngunit mahina lang. Dahil sa mahina niyang tawa ay napatingin sa kanya si Brother Anthony, at ganon din siya. Sa loob ng ilang segundo, parang tumigil ang pag-ikot ng mundo ni Gabriel dahil sa titigan nilang dalawa.
Sa labas ng seminaryo, sa may hardin, sa ilalim ng dilaw na ilaw ng poste, dalawang binatang nagpapanggap na wala silang nararamdaman... ay parehong natutong huminga sa gitna ng pagkalunod.
Kinabukasan , hindi na siya pinansin ni Brother Anthony. Agad nag-taka si Gabriel. Akala niya ay 'yon na ang simula, akala niya ay magiging mas madikit pa sila sa isa't isa, akala niya ay nagkakaintindihan na sila.
Pero alam ni Gabriel na hindi siya pinansin ni Brother Anthony dahil katulad niya, takot din siya. Pareho nilang alam na may nabuksang pinto kagabi, at ang ganung klase ng pinto, kapag nabuksan, hindi mo basta-bastang maisasara.
Lalong lalo na sa lugar na ito.
Sinubukang ni Gabriel na gayahin ang ginagawa ni Brother Anthony, hindi rin niya ito pinansin, sinubukang ilayo ang sarili. Hindi narin siya tumatabi kay Brother Anthony sa mesa. Hindi na siya sumasama sa evening walks. Hindi na rin siya tumitingin kapag nagkakasalubong sila.
Pero tuwing gabi, habang nakahiga, pinipigilan niyang lumuha. Ayaw niyang marinig ng kasama niya sa kwarto ang bawat iyak niya, ayaw niyang malaman ng mundo na kahit lumayo siya, ayaw naman siyang pakawalan ng damdamin.
Pero isang madaling araw, habang mahimbing na natutulog ang buong seminaryo gising na gising parin ang diwa ni Gabriel, kahit anong gawin niyang pag-pikit ay hindi niya mahanap ang antok. Kagaya ng naka-ugalian niya tuwing hindi siya makatulog, lumalabas ito ng silid upang mag-pahangin
Sa likod ng lumang kapilya sa ilalim ng balete, sa lugar na kadalasang nilalampasan ng mga seminarista na takot sa mga alamat, ang madalas na puntahan ni Gabriel sa tuwing gusto niyang kumawala sa realidad. Alam niya kasing iyon ang tanging ligtas na lugar kung saan pwedeng huminga and damdaming pinipilit na ikinukulong sa panalangin.
Habang tahimik ang paligid, nakarinig sa Gabriel na kaluskos sa kanyang likuran. Mabilis siyang napalingon sa direksyon na pinagmumulan ng kaluskos, at doon ay nakita niya si Brother Anthony, nakasuot ng puting damit at padjamang pantulog.
Tahimik siya nitong nilapitan, walang sinabing salita at tumayo sa tabi niya. Hinintay ni Gabriel kung mag-sassalita ba ito, pero ng mapansing tahimik lang si Anthony at tanging mabibigat na buntong hininga lang ang pinapakawalan ay nagdesisyon siyang siya na ang mag-sasalita.
"Brother Anthony..." Pero mabilis din siyang pinutol nito.
"Hindi ko na alam kung kaya ko pa," Mahinang bulong ni Anthony. "Bawat tingin sa'yo, parang kasalanan. Pero kapag nilalabanan ko, parang kasalanan parin." Nabasag ang boses nito. Nag-lakad si Anthony sa ilalaim ng puno ng balate ng sa ganon ay mas maitago pa ang sarili, tapos ay umupo sa damuhan.
Tahimik lang si Gabriel. Nakayuko. Nasa pagitan ng pag-sagot at paglayo. Ngunit sa halip na alinman doon, dahan-dahan din niyang nilapitan si Anthony at umupo sa tabi nito, dikit ang balikat sa balikat. Walang salita, pero puno ng tinig ng katahimikan sa pagitan nila.
"Anthony... alam mong kasalanan ito diba?" Sabi niya rito.
Hikbi ang narinig niya kay Anthony, hindi na ito nag-salita. Ang bwan sa itaas, bahagyang natatakpan ng ulap. Ang ilaw mula sa malayong lampara ng seminaryo ay hindi na umaabot sa likod ng kapilya.
Tahimik parin si Gabriel, tila ba nilalasap ang bawat oras na mag-kasama sila ni Anthony. Ilang sandali lang ay naramdaman niya ang unti-unting pag-galaw ng kamay ni Anthony, dahan-dahang lumapit sa kamay niya na nakapatong sa kanyang tuhod.
Sandaling nag-alinlangan si Gabriel. Napatitig sa kanyang mga palad, hindi para tumanggi, kundi para alalahanin kung ilan nang panata ang pinirmahan ng mga iyon, ilan nang krus ang tinawid, ilang rosaryo na ang hinawakan para lang maitanggi ang sarili.
"Anthony..." Bulong niya.
"Sandali lang," Sagot ni Anthony. "Pahiram ng ilang segundo. Kahit ngayon lang."
Isang segundo..
Dalawa.
Tatlo.
At sa mga sandaling 'yon, hindi sila pari. Hindi sila seminarista. Hindi sila alagad ng mga kautusang hindi nila lubos na maintindihan. Sila'y dalawang batang lalaki lang... takot, nangungulila, at humihiling ng pag-unawa sa mundong walang puwang para sa damdaming bawal.
Marahan niyang inangat ang kanilang kamay.
At doon, sa gitna ng dilim, sa likod ng kapilyang saksi sa bawat dasal at pagluha, hinawakan rin niya ang kamay ni Anthony.
Hindi mahigpit. Hindi rin magaan. Sakto lang... parang pagsuko na hindi kailangan ng paliwanag.
Walang halik. Walang yakap. Isang hawak lang.
Ngunit sapat na iyon para sumikip ang mundo sa paligid nila.
Hanggang sa marinig nila ang lagaslas ng tuyong dahon sa damuhan.
May mga yabag. Mabilis. Mabigat.
Sumungaw ang liwanag mula sa likod ng halaman... puting flashlight na tila mata ng langit na pinagbabawalan ang maliit na mundong binuo nila.
"Gabriel, Anthony?"
Boses 'yon ni Brother Fidel, at sa isang iglap, parang nalunod ang gabi sa liwanag at paghuhusga.
Sa isang iglip, nakita ni Gabriel ang sarili na nakatayo sa opisina ng Rector, isang oras makalipas ang insidenteng iyon. Basa pa ang kanyang buhok mula sa malamig na paliguan, hindi para luminis kundi para magising mula sa kabiglaang hindi niya matakasan.
"May mga kilos kayong hindi naangkop. Hindi ito tsismis. Isa sa mga pari ang nakakita sa inyo. Magkadikit, gabi, madilim at sa likod pa ng lumang kapilya."
Ang tingin ni Father Rector ay hindi galit. Ngunit mas mabigat 'yon kesa sa sigaw. Wala itong sigla. Wala ring awa. Pawang lamig ng doktrina at disiplina.
"Alam mo ba kung anong sinumpaan mo nang pumasok ka rito, Brother Gabriel?"
Tahimik si Gabriel, tila ba nawala na ang kanyang dila.
"Gusto mo bang pumasok dito para maglingkod, o para hanapin ang sarili mo sa maling paraan?"
Boses ng lalaking itinuring niyang ama sa pananampalataya, at ngayon, parang Diyos na may hawak ng kanyang kapalaran.
"P-para mag-lingkod po," Sagot niya, mahina, halos hindi naririnig sa pagitan ng pintig ng puso niyang hindi mapakali.
"Then prove it. Distance yourself. Wala nang susunod na babala."
Kinabukasan, pag-sikat ng araw tila isang batong walang pakiramdam si Gabriel. Totoong sinunod niya ang sinabi ng rector, at sa pag-kakataong ito ay mas seryoso na siya.
Kahit ang bawat paglayo ay tila pagkitil sa sariling kaluluwa. Ngunit 'yon ang utos. At sa seminaryo, ang utos ay itinuturing na dasal na hindi pwedeng balewalain.
Kinagabihan, matapos ang mahabang araw na pag-iwas kay Anthony ay makakapag-pahinga na si Gabriel. Pero bago matulog ay naisipan niyang palitan ang kanyang bedsheet, pero habang nag-papalit ng kobre kama ay aksidente niyang nahulog ang kanyang rosaryo.
Naputol ang mga sintas nito. Tumilapon ang mga butil sa sahig, tila bang sinasadyang ipaalala sa kanya ang damdaming hindi na niya kayang buuin.
Mabilis siyang lumuhod sa sahig at pinulot ang mga butil isa-isa. Nanginginig ang mga daliri. Tumutulo ang mga luha sa sahig, tila ba hindi na napigilan ang sarili sa pag-buhos ng mga naipong emosyon, habang paulit-ulit na bumubulong...
"Patawad.... patawad..."
Pero hindi malinaw kung kanino ang patawad: Sa Diyos? Sa sarili? O kay Anthony?
Kinabukasan, hindi na niya nakita pang muli si Anthony. Hindi nag-paalam. Wala na siya sa morning prayer. Ang kanyang locker, bukas. Malinis. Walang bakas ng pag-alis, kundi isang pirasong papel na nakatupi nang maingat sa loob. Sa gilid, may nakasulat na panagalan:
'Gabriel'
Dahan-dahan niya itong binuklat, habang pinipigilan ang panginginig ng mga daliri.
Kung kailan ako naging totoo, saka ako kailangan lumayo.
Kung sakaling maging pari ka, ipagdasal mo ako.
Kung hindi, piliin mo ang kaligayahan mo.
--A'
Hindi niya alam kung iiyak siya, tatawa sa sakit, o sisigaw sa langit.
Ang ginawa niya lang ay itinupi ang sulat at ipinasok sa gitna ng kanyang Bibliya, sa pagitan ng Mateo at Juan, sa pahinang minsan ding pinagbuklod ng pananalig at damdamin.
Ilang taon ang lumipas, tahimik ngunit matatag na tinahak ni Gabriel ang daan ng pananampalataya. Tinapos niya ang kanyang pag-aaral. Hindi siya lumingon kahit pa gabi-gabi'y pilit siyang binabagabag ng alaala... ng isang hawak-kamay sa dilim, ng halakhak na tinakpan ng panalangin, ng isang paalam na isinulat sa papel.
Nagyon, isa na siyang pari.
Nakasuot ng puti't ginto. Nakatayo sa harapan ng altar na minsang naging saksi ng kanyang pinakamalalim na panalangin, at ng pag-ibig na hindi kailanman naipaglaban.
Maraming beses niyang ipinagdasala si Anthony. Sa bawat misa. Sa bawat kumpisal. Sa bawat gabing walang sagot ang langit.
Ngunit may isang dasal na hindi na niya inusal muli:
Ang hiling na sana'y bumalik pa ito.
Sapagkat sa puso ng isang tunay na alagad, may mga pangalang kailangang hindi na muling banggitin... kahit hindi kailanman nakalimutan.
At sa dulo ng lahat ng panata, isang katotohanan ang natira;
Hindi lahat ng nagmahal nang totoo, ay pinipili ng langit.
Comments
Post a Comment