Kabanata 1: Pagbabalik
Ang Santa Rosa ay isang bayang tila nalimutan ng panahon.
Luma ang mga bahay, walang matatayog na gusaling makikita sa daan. Malalawak na bukid, magagandang dagat at nagtatasang bundok ang makikita sa paligid. Malayong malayo ito sa Maynila. Ngunit ganon pa man, malapit sa puso ni Father Gabriel ang bayan ng Santa Rosa sapagkat dito siya ipinanganak at nag-binata.
Sa buong paglalakbay ni Father Gabriel mula sa kumbento sa Maynila hanggang sa pinakadulo ng Visayas, mistulang unti-unting binubura ng hangin at alikabok ang mga alaala ng siyudad, ng seminaryo, ng pagkakamali, at ng lahat ng hindi niya kailanman naipagtapat.
Makipot ang mga kalsada papunta sa maliit na parokya ng Santa Rosa. Halos wala nang signal sa telepono. Ang mga kabahayan ay gawa pa sa kahoy, at ang simbahan, bagamat luma at may lamat na ang ilang bahagi ng pader ay nanatiling matatag, waring sinadyang hindi igiba upang magsilbing paalala.
Dito siya itinalaga. Tahimik. Malayo.
Hindi nagbago ang amoy ng hangin sa Simbahan ng Santa Rosa. Alat at alikabok ang unang bumungad kay Father Gabriel, may halo ring amorseko at usok ng kandila ang hangin. Sa bawat hakbang niya palabas ng jeep, ramdam niya ang pagbabalik hindi lamang ng katawan, kundi ng mga alaala ng kabataan. Ang kampanaryo ng lumang simbahan ay tila hindi nagalaw ng panahon, nakatingin parin ito sa langit.
"Father Gabriel, ikaw na ba iyan?"
Boses ito ng matandang babae, si Aling Consuelo ang tagapangalaga ng simbahan noon pa mang siya'y binata. Hindi nito maikubli ang luha habang binabati siya. "Ang laki mo na, hijo. Mas lalo kang naging kamukha ng yumao mong ama, napakagandang lalaki."
Isa si Aling Consuelo sa naging saksi kung papaano siya ipinahiya sa loob ng simbahang ngayo'y pag-sisilbihan niya. Napangiti si Gabriel. Nilapitan niya ang matanda at niyakap ito. "Mabuti po ako Aling Consuelo, kayo ho, kamusta?"
"Mas mabuti nagyong nandito ka na. Ang simbahan ay may muling pari, at tubong Santa Rosa pa." Hindi maitago ang galak sa boses ng matanda.
Sa loob ng kumbento ay walang pinag bago. Itinuro ni Aling Consuelo ang magiging silid ni Gabriel. Maayos ito at malinis, kahit ang loob ng simabahan ay malinis at maayos kahit luma ang itsura ng labas.
"Iiwan ko na ho kayo Father para makapag pahinga kayo, nasa likuran lang po ako ng simbahan. Ipinaghahanda ang ating magiging hapunan." Sabi sa kanya ng matanda bago siya iwan nito.
Umupo si Gabriel sa kanyang mag-sisilbing higaan. Kinuha niya ang kahon na pinag-lagyan niya ng kayang mga gamit atsaka ito binuksan. Biblia, rosaryo, at isang lumang sulat na ilang ulit na niyang sinubukan sunugin ngunit hindi niya magawa. Maingat niya muli itong itinupi at ibinalik sa kahon.
Pagod ang katawan ni Gabriel dahil sa layo ng byahe, bukas narin kaagad mag-uumpisa ang kanyang unang misa kaya kailangan niyang mag-pahinga.
Maagang nagising si Gabriel kinabukasan. Alas sais ng umaga mag-uumpisa ang paunang misa, matapos niyang mag-aral ng seminarista at sumama sa mga pari sa pag-mimisa ay sa wakas ito na ang una niyang misa. Hindi maitago ang kaba kaya naman ay pinuntahan niya ang altar kung saan niya gagawin ang sermon mamaya.
Ang dambana ay nangniningning sa sinag ng papasikat ng araw sa tumatama sa makukulay na salamin. Sa gitna ng katahimikan ng umaga, narinig niya ang sarili niyang bumuntong-hininga. Sa mismong altar na ito, dito siya unang lumuhod at nanalangin na sana'y hindi totoo ang nararamdaman niya. Dito rin siya unang nag-tago ng lihim at nagsinungaling.
Sa isang sulok nakita ni Gabriel ang isang bangko kung saan sila madalas umupo nang noo'y nobyo, patagong nag-bubulungan, tanging mga puso lang nila ang nag-kakaintidihan. Tanaw rin ang rebulto ni San Mateo sa labas ng simbahan. Dito sila unang nag-katinginan, na tila may sinasabi ang mga mata na hindi maaring sambitin ng bibig.
Tila isang ilog na rumaragasa ang mga masasayang alaala ni Gabriel noong kabataan niya, maging ang pait ay hindi nakatakas sa kanyang isipan.
Nakita niya ang sarili mula sa pintuan ng simbahan, kinakaladkad ng noo'y galit na galit na ama, may luha sa kanyang mga mata pero walang kahit anong salita ang lumabas sa bibig. Hindi rin niya malilimutan kung papaano siya pinag-titinginan ng mga tao, ang mga mapanghusgang mata ay tila ba isang sibat na tumatama sa kanya.
Akala niya ay tila isang sakit na mawawala ang nararamdaman kapag nag seminaryo siya. Akala niya, matatapos lahat ng sakit, pero tila yata mas lumala pa dahil doon niyang unang naranasan ang mapait na sakit ng ipinag babawal na pag-ibig.
Pero simbahan ang pinili ni Gabriel, pinili niyang mag-lingkod sa Diyos, hindi dahil gusto niya, kundi dahil ito ang daan palayo sa sakit. At habang lumilipas ang taon, natutunan niyang mahalin ito.
Ang mga dasal. Ang mga sermon. Ang pagbinyag at paminsang kasal, dito niya natutong yakapin ang katahimikan at kapayapaan ng puso, ang pag-iisa, ang pagiging kasangkapan ng Diyos.
Ngayon ay bumalik siya sa Santa Rosa hindi bilang Gabriel lamang, kundi Father Gabriel, at sa unang misa niya bilang bagong pari ng Santa Rosa ay halos kalahating simbahan lang ang napuno. Karamihan ay matatanda, ilan ay mga batang walang muwang na nag-lalaro.
"Ang salita ng Diyos," Aniya sa homilya, "ay hindi laging madaling tanggapin. May mga salita Siyang nananahimik sa gitna ng sigaw ng puso..."
Tahimik ang simbahan habang nakikinig sa kanya. Hindi maitago ang kaba, ang mga taong binabasahan niya ng sermon ay minsan nang hinusgahan siya, may mga ilang mukha siyang nakikilala ang ilan sa mga ito ay kasamahan niya sa Youth Minsitry. Lahat sila ay nakatingin sa kanya.
Nang matapos ang misa ay nakahinga ng maluwag si Gabriel. Nawala ang nararamdamang kaba, lalo pa nang lapitan siya ng mga taong nakilala siya. Ang ilan ay kilala din niya, lahat sila ay nakangiti sa kanya.
"Kamusta Father?" Bati sa kanya ng isang babae na may karga-kargang anak.
Ngumiti siya rito. "Mabuti naman." Pagkatapos ay inabot niya ang noo ng bata at ginuhitan ng cross.
"Mas gwapo po pala kayo sa malapitan Father." Sabi naman ng isang matanda, ngumiti rin ito sa kanya. "Kaibigan po ako ng yumao niyong ama, kamukhang kamukha niyo po siya, buti nalang talaga at natuloy kayo sa pag-papari, akala namin noon malabo nang mang-yari, e." Sabi nito.
Napatigil si Gabriel sa sinabi ng matanda. Muntik ng mawala ang ngiting ipinapakita sa kanila. Aminado siyang nagulat siya sa itinuran ng matanda, kinabahan din dahil baka pag-mulan pa ito ng chismis.
"Ito talaga ng pinagkaloob sa atin ng Diyos." Ang tanging nasagot niya.
Ngumiti ang matanda, saka marahang tumango. "Basta Father, nandito lang kami kung kailangan ninyo ng tulong. Malapit narin pala ang pista ng Santa Rosa, marami tayong kailangang ihanda. Nakakatuwa na ikaw ang magiging pari ngayon Father, dahil taga rito ko ay kabisado na ninyo ang pista."
Muli napangiti si Gabriel. Doon lang niya naalala na sa susunod na bwan na pala ang pista ng kanilang barangay, nataon pa nga't siya ang naitalagang pari ngayon.
"Aling Consuelo, tuloy parin po ba ang paligsahan ng pagandahan ng kapilya ngayon?" Tanong muli ng isang babaeng may karga-kragang bata.
"Oo naman," Sagot ng matanda. "Kaya nga mayroong tayong bisita, galing raw Maynila. Isang litratista, kukuhanan daw ng litrato ang mga kapilya maging ang mga lumang simbahan para sa isang proyekto. Baka nga nakarating na 'yon dito..."
Ngunit hindi pa man natatapos ng matanda ang sasabihin ay biglang dumilim ang langit.
Isang malakas ng kalabog ng kulog ang umalingawngaw sa bayan ng Santa Rosa, kasunod non ay bumuhos ang isang malakas na ulan. Nagulat ang lahat ng tao sa simbahan, kanina lang ay maganda ang lagay ng panahon kaya naman nakakapagtakang biglang bumuhos ang ulan.
Walang nagawa ang mga tao sa loob kung hindi mag-hintay na tumila ang ulan. Nakaupo silang lahat sa harapang bahagi ng simbahan, nag-uusap-usap kasama si Gabriel. Nakikipag kwentuhan siya sa mga ito, nag-tatanong kung kamusta na ang kanilang mga buhay-buhay.
Sa gitna ng kanilang kwentuhan ay nagulat sila ng may biglang pumasok ng simbahan. Sabay-sabay silang lahat na napalingon. Isang lalaking basang-basa ang biglang pumasok, may hawak-hawak na DSLR na camera na halatang pinoprotektahan mula sa ulan. Ang kanyang itim na polo'y basang basa, maging ang mahaba niyang buhok.
Agad niyang inilabas ang maliit na panyo, pero nang makitang basa na rin 'yon ay ginamit na lamang niya ang laylayan ng kanyang suot na sando sa loob ng polo upang punasan ang lente.
"Shit...." bulong niya, mariing pinupunasan ang lente ng camera. "Aba't putangina talaga, sana hindi nasira..."
Napatigil si Gabriel sa pag-sasalita, maging kasi siya ay napukaw ng binata ang atensyon niya. Nakatingin siya ngayon sa binatang tila hindi napapansin na may pari sa loob ng simbahan.
"Hoy hijo!" Sigaw ni Aling Consuelo mula sa gilid, "Ano ka ba, nasa simabahan ka at may pari pa rito sa harapan, aba't kay lutong ng mura mo riyan!" Saway niya.
Napalingon ang lalaki sa kanila at nagulat. Agad niyang itinikom ang bibig, saka napakamot sa batok na lumapit kay Aling Consuelo habang hawak parin ang camera. "Ay pasensya na po Sister. Biglang bumuhos sa may plaza yung ulan kaya dito na ako tumakbo para sumilong."
Mas lalong nalukot ang mukha ng matanda sa sagot ng binata. "Ano kaba, hindi ako madre ano! Teka, hindi kita namumukhaan, hindi ka taga rito?" Tanong ng matanda.
Nanatiling tahimik si Gabriel at pinag-mamasdan ang bagong dating na bisita at si Aling Consuelo, lumapit narin ang iba pang tao sa simbahan sa bagong dating na binata.
"O-opo, hindi po ako taga rito, galing po akong Maynila. Ako po si Mateo, yung photographer." Pakilala nito, tila naiilang sa mga taong nakapalibot sa kanya.
"Ay ikaw ba yung litratistang galing Maynila? Yung kukuha ng litrato sa mga lumang simbahan at kapilya?"
"Opo, ako po si Mateo Alvarez, sinabi po sa akin ni Sir Emil sa municipal office na dito raw po ako tumungo at mag-umpisa." Pakilala nito.
"Jusmiyo kang bata ka, talaga't dito kapa sa simbahan nag-mura o halika at ipapakilala narin kita kay Father, buti narin at naabutan mo siya."
Napalingon si Mateo kay Gabriel, bahagyang natawa at nahiya sa inasal bago lumapit. "Ay, kayo po pala si Father." Inilahad niya ang kamay.
Tahimik na tinanggap ni Gabriel ang kamay niya. Agad niyang naramdaman ang init ng palad nito kahit basa ng ulan. Matapang ang titig ng lalaki, pero may maamong anyo, at sa ilalim ng kagaspangan ng kilos ay may hinahon na hindi agad makikita.
"Welcome to Santa Rosa," Wika ni Gabriel.
"Salamat po, Father," Sagot ni Mateo. "Pasensya na ulit sa pagmumura. 'Di ko po sinasadya. Panic mode lang, mahal kasi nito." Sabi niya kay Gabriel sabay angat ng hawak na camera.
Napangiti si Gabriel. "Ayos lang. Kahit ako, siguro kung nabasa ang Bibliya kong antigo, mapapamura rin ako sa loob-loob ko."
Nagtawana ang mga tao sa loob ng simbahan dahil sa biro ni Gabriel, nakatulong ito upang lumuwag ang tensyon.
"O siya, halinat magpainit muna tayo sa likod habang hinihintay na tumila ang ulan," Sabi ni Aling Consuelo. "Sige, Mateo, magpalit ka muna ng damit, may lumang t-shirt diyan sa opisina ng simbahan, habang si Father ay magpapahinga pa. Pagkatapos ay usap kayo tungkol sa mga simbahan na kukuhanan mo. Marami tayong lumang kapilya dito."
"Opo maraming salamay po talaga..." Tila hindi sigurado si Mateo kung anong itatawag sa matanda gayong sinabi nitong hindi siya madre.
"Nay Consuelo nalang itawag mo sa akin, halika sumunod ko nang makapag-bihis ka, baka mag-kasakit ka pa niyan."
Habang nag-lalakad palayo si Mateo ay hindi nito mapigilang muling sumulyap kay Gabriel. Isang saglit na tahimik na pag-tingin. Hindi pilit... hindi rin bastos, parang tingin ng pagtantiya. Habang si Gabriel naman, bagamat sanay sa mga taong tumititig sa kanya dahil sa paggalang o pagkilala, ay naiinis sa sarili sa bahagyang pag-iinit ng kanyang batok.
Sandali kasi niyang nakita ang sarili sa binata. Isang malayang kaluluwa, malayang nagagawa ang kagustuhan, ng walang takot at pangamba. Masamang makaramdam ng inggit, pero sa sandaling iyon ay hindi ito mapigilang maramdaman ni Gabriel.
Sa tingin niya ay hindi naman nag-kakalayo ang edad nila ng binata, pero ramdam niya ang malayo nilang agwat sa isa't-isa.
Humina narin ang ulan sa labas, isa-isa naring nag-paalam ang mga tao kay Gabriel. Sinubukan pa niya itong pigilan at inalok ng maiinit na kapeng inihanda ni Aling Consuelo sa likod pero tinaggihan din nial ito. Isa-isa niya itong nginitian at saka hinatid hanggang pintuan ng simbahan. Nang makaalis na ang lahat ay naiwan si Gabriel.
Tahimik na sa loob ng Simbahan.
Habang nilalakad ni Gabriel ang pasilyo patungong altar ay muli niyang nakita si Aling Consuelo, kalalabas lang nito sa kwarto kung saan niya pinapasok si Mateo. Napatingin siya sa matanda.
"Father," ani Aling Consuelo, bahagya siyang nilapitan na tila ba may ibubulong. "Parang hindi ka makahinga kanina."
Napatingin si Gabriel sa matanda, kumunot ang kanyang noo, tila ba naguguluhan sa ibig sabihin ng matanda. "Nagulat lang ho ako. Matagal na ring walang bagong mukha sa bayang ito." Paliwanag niya.
Tumango si Aling Consuelo pero bakas sa mukha nito ang mapanuring ngiti. "Baka Diyos ang may pakana 'di ba ho, Father?"
Ngumiti si Gabriel, at sa unang pag-kakataon mula nang bumalik siya sa Santa Rosa, hindi niya alam kung anong dasal ba ang nararapat sa sandaling iyon.
Comments
Post a Comment