Kabanata 2: Mga Lumang Larawan

☰ Chapters

Lunes ng umaga sa bayan ng Santa Rosa. Tahimik. Walang misa. Walang mga tao.

Isang tipikal na linggo sa maliit na parokya. Sa labas ng simbahan, bahagyang umaambon. Hindi malakas. 'Yung tipo ng ambon na parang sinadya lang para palamigin ang hangin.

Naka suot ng soutana si Father Gabriel habang paikot-ikot sa loob ng simbahan. Wala siyang hawak kundi ang maliit na notebook na may listahan ng mga kailangang asyusin— sirangbintana sa gilid, bumibitak na tiles malapit sa altar, at 'yung silyang matagal nang hinihingan ng pako.

Ginugugol niya ang ganitong oras para suriin ang mga bagay-bagay. Tahimik. Mapayapa. Walang sinumang istorbo.

Hanggang sa marinig niya ang mahinang langitngit ng lumang pintuan.

"Magandang umaga po, Father."

Napalingon siya. Nakatayo sa tabi ng pintuan si Mateo, suot ang parehong itim na polo na suot nito kahapon, pero mas maayos na ito ngayon. Andoon parin 'yong camerang nakasabit sa kanyang leeg.

"Magandang umaga," Bati rin pabalik ni Gabriel. "Mateo diba?" Tanong niya.

Tumango ito. "Opo naaalala niyo ako?"

"Hindi pa naman ako ganon katanda para maging makakalimutin, isa pa kahapon lang tayo nag-kita." Sagot naman ni Gabriel

Tumawa si Mateo. May tinig ng pag-aalangan.

"Nakita ko pa si 'Nay Consuelo sa munisipyo kanina ang sabi niya ay mauna na raw ho ako rito dahil mamamalengke pa siya." Paliwanag nito.

Tumango si Gabriel. "O sige, gawin mo na ang dapat mong gawin." Nag-patuloy sa paglilibot sa loob ng simbahan si Gabriel, hindi pinansin ang prisensya ni Mateo sa loob.

Nanatiling tahimik ang loob ng simbahan habang abala sila sa kanya-kanya nilang ginagawa. Si Gabriel na abala sa pag-hahanap sa sira ng simbahan habang si Mateo na abala rin sa pag-kuha ng mga litrato. Wala ni isa sa kanila ang umiimik, tila ba nag-papakiramdaman. Nasa may dulong bahagi ng simbahan si Gabriel, malapit sa pintuan. Habang si Mateo ay malapit sa altar.

"Sobrang ganda ng simbahan niyo Father, parang ang daming kwento." Sabi ni Mateo na bumasag sa kanilang katahimikan.

Napatingin sa kanya sa Gabriel, nag-salubong ang dalawa nilang mata. Si Gabriel ang nag-iwas ng tingin, tila ba napaso siya sa titig sa kanya ng lalaking nasa harapan ngayon ng altar. Pamilyar na si Gabriel sa ganitong pakiramdam, at alam rin niyang hindi ito mabuti.

"Maraming simbahan ang may kwento, pero mas mahalaga kung paano ito pinapanatiling buhay. Ang mga bangko, ang altar, pati ang alikabok sa imahe ng santo—lahat 'yan may silbi, kahit tahimik lang sila." Ang sagot niya rito

Tahimik ulit. Tumingin si Mateo sa paligid, ganon din ang ginawa ni Gabriel, para silang hinihigop ng mga detalye ng simbahan—ang mga retablo, ang alikabok sa kisame, ang lumang bell rope na bahagyang sumisilip mula sa gilid.

"Gusto ko po sanang aralin ang history ng simbahan," ani Mateo. "May records po ba kayo dito? 'Yung mga lumang files or photos, kahit ano po?"

Napatingin si Gabriel sa likuran ng altar, sa maliit na kwarto ng dating opisina ng dating kura paroko. "May isang aparador sa likod ng altar, sa dating opisina. Hindi ko pa masyadong nabubuksan lahat ng laman at naaayos pero andun yung mga luma naming record books, ilang photo albums, saka mga sulat. Gusto mo bang makita ngayon?"

Nagliwanag ang muka ni Mateo. "Kung okay lang po. Promise hindi ako magulo."

Nag-lakad si Gabriel patungo sa likod ng altar. Pumasok sila sa maliit na opisina. Amoy lumang papel, may kaunting amag sa hangin. Sa isang sulok, may lumang aparador ang nakabukas, puno ito ng envelopes at folders na halos hindi na mabasa ang sulat sa label. Si Gabriel ang unang kumilos, kumuha ng maliit na upuan at pinaupo si Mateo sa lumang mesa.

"Ano po pala pangalan ng simbahan na 'to Father? Santa Rosa church lang kasi ang alam ko." Tanong nito bago umupo sa upuan.

"Nuestra Señora de los Dolores." Tipid na sagot ni Gabriel. Muli siyang tumungo sa harapan ng aparador at kumuha ng tatlong envelope at dalawang photo albums. "Wala masyado ayos, luma na pero baka may makita kang interesting."

Nag-simula nang maghalungkat si Mateo. Tahimik. Para siyang bata sa loob ng lumang aklatan, may halong respeto sa bawat papel na kanyang hinahawakan.

"Father, sorry po kung tanong ako ng tanong... pero gaano na po katagal 'tong simbahan?"

Umupo si Gabriel sa tabi ni Mateo, nagbukas ng sacramental records habang sumasagot. "Mahigit isandaang taon na. Nagsimula ito bilang maliit na kapilya. Ginawang full parish nong 1920s. Pero karamihan sa structure ngayon, dinivelop noong late '50s."

"Kaya pala may halong luma at bagong vibe," Sabi ni mateo habang tinitingnan ang isang lumang litrato ng altar. "Ang lakas ng dating ng nostalgia."

Hindi sumagot si Gabriel agad. May kakaibang tunog ang salitang nostalgia para sa kanya. Sa bawat sulok ng simbahang ito, may alaalang pilit niyang kinakalimutan.

Napatingin siya sa lalaking katabi niya. Tahimik lang si Mateo. Minsan ngumingiwi kapag hindi mabasa ang lumang sulat-kamay. Minsan bumubulong ng "ang galing nito" kapag may nakitang interesting photo.

Hindi alam ni Gabriel kung bakit ang presensya nito ay hindi gaanong nakakailang. Tahimik. Nakakagaan sa paligid. Hindi gaya ng ibang bumibisita sa simbahan noong siya'y nag-aaral palang—palaging may tanong tungkol sa kasalan, binyag, o burials. Si Mateo, parang interesado lang sa kwento ng lugar. hindi tungkol sa serbisyo. Hindi tungkol sa pangangailangan.

"May tanong lang ako, Father..." Biglang sabi ni Mateo. "Kayo po ba itong nasa picture?"

Kumunot ang noo ni Gabriel atsaka sumilip sa litratong hawak ni Mateo. Litrato ito ng mga kabataan, may nakalagay na Youth Ministries 2016. Nakita niya ang batang bersyon ng sarili sa larawan. Napangiti siya at tumango, pero agad ding nawala ang ngiti ng makita ang katabi niya sa litrato.

Biglang nanigas si Gabriel. hindi dahil sa tanong—pero sa biglang bugso ng alaala.

"Oo ako nga." Tipid lang niyang sagot, tila ba may iniiwasan.

Tahimik si Mateo. Napatingin ulit sa litratong hawak.

"Mukhang masaya po kayo dito noon, ah. Parang iba ang aura niyo Father."

Napatawa si Gabriel ng mahina. "Baka dahil bata pa ako n'yan."

Muli siyang tumayo at muling kinuha ang isa pang album. Binuksan niya ito at tinuro ang isang lumang drawing ng simbahan noong unang mga taon nito. "Ito ang unang itsura ng simbahan. Wala pa 'yang bell tower. At wala ring bintanang stained glass."

Napahanga si Mateo. "Parang ibang mundo. Ang sarap i-document. Sana makahanap ako ng mas maraming ganito."

'Marami pa riyan. Lalo na dito sa Santa Rosa, maraming lumang mga simbahan. Pero kailangan ng tyaga sa paghahanap," sagot ni Gabriel, tila nagsusumikap na ilihis ang usapan palayo sa kanyang sarili.

Tumango si Mateo at muling nagbabad sa paghahalukay. Nagpatuloy ang paghahanap sa mga larawan at liham. May mga nakitang sulat mula sa mga dating kura paroko, programang ginanap sa plaza, at ilang mga retoke ng altar sa iba't ibang taon.

"Father, 'tong sulat na 'to, parang love letter?" tanong ni Mateo sabay tawa, hawak ang isang sulat mula 1972 na puno ng bulaklak at sketch ng simbahan.

"Marami kasing nagsusulat dito noon. May mga kwento ng mga nakasal, mga naglilingkod, mga estudyanteng naging madre o pari. Minsan may lihim na kwento rin." ani Gabriel na may kaunting ngiti.

"Lihim na kwento?"

"Mga kwentong hindi isinulat sa opsiyal na records. Pero buhay sa mga papel, larawan, at alaala, parang mga larawan," paliwanag niya. "ikaw naman ang tatanungin ko, bakit ka naging photographer?"

Saglit na natahimik si Mateo. tila nag-isip. Tumuwid siya sa pag-kakaupo at ngumiti, matatag ang tinig.

"Kasi gusto kong kumuha ng mga bagay na may itinatagong kwento, Father. Yung mga larawang 'yon—kahit tahimik—may tinig. Minsan, ang litrato lang ang laging saksi sa kwnetong ayaw ikuwento ng panahon. Hindi man sila nagsasalita, pero kapag tiningnan mo nang mabuti, ramdam mo 'yung sigaw na ayaw iparinig sa mundo."

Tila ba nadadala si Gabriel sa bawat salita ni Mateo, tila ba nararamdaman nito ang gustong sabihin sa kanya. Muling nag-salubong ang kanilang tingin, matatag ang titig ni Mateo. Walang pag-aalinlangan at sa pangalawang pag-kakataon ay si Gabriel muli ang pumutol ng titigan nila.

"At saka, gusto kong hulihin ang mga sandaling hindi na mauulit. Hindi dahil sentimental ako... kundi dahil may halaga ang bawat sadali, lalo na 'yung hindi natin napapansin." Sabi nito habang hindi parin inaalis ang tingin sa kanya.

Ramdam parin ni Gabriel ang tingin sa kanya ni Mateo, sadya itong umubo ng sa ganon ay mawala ang tensyon sa kanilang dalawa."Bakit simbahan?" Tila hindi mapigilan ni Gabriel ang sariling magtanong.

Sumulyap si Mateo sa kanyang camerang nakalapag sa lamesa, nakaukit parin ang ngiti sa kanyang mga labi. "Mahilig kasi ako sa History. Pero sa totoo lang, hindi naman ako relihiyoso, Father."

Napatingin muli si Gabriel at muling nag-salubong ang kanilang mga mata.

"No offence, Father pero hindi ako naniniwala sa kanya," Ani Mateo at sumulyap sa isang krus na nakapako sa dingding. "Pero nirerespeto ko ang mga paniniwala niyo, o ang relihiyon niyo." Saglit na natawa si Mateo. "Ang ironic 'no? Wala akong pananampalataya, pero laging simbahan ang pinipili kong kuhanan."

Hindi sumagot si Gabriel. Hindi siya sigurado kung ano ang dapat sabihin. Pero sa likod ng kanyang tahimik na pag-upo, ramdam niya ang bigat na unti-unting ibinubukas ni Mateo, kahit pa may ngiti sa mga labi nito.

"Ang Diyos ay hindi nang-huhusga, kaya wala akong karapatang husgahan ka sa paniniwala mo," ani Gabriel, ang boses niya'y malumanay ngunit may bigat ng pagninilay.

"Salamat Father, hindi lahat ng pari ganyan magsalita."

Nagkibit-balikat si Gabriel. "Hindi ko rin alam kung tama ba ang lahat ng sinasabi ko. Minsan, ginagawa ko lang ang kaya kong gawin."

Tila nabigla si Mateo sa sagot. Hindi niya inaasahan na maririnig mula sa isang pari ang ganitong uri ng katapatan. Nagpatuloy si Gabriel, para bang tinutulak ng pagkakataon na muling harapin ang mga katanungang matagal na niyang isinantabi.

"Sa seminaryo, tinuruan kaming maging matatag sa pananampalataya. Pero hindi kasi ibig sabihin nun ay wala ka nang tanong, o hindi ka na makakadama ng pagdududa." Kumunot ang kanyang noo, nagbaba ng tingin. "Sa totoo lang, Mateo, mas madalas ang katahimikan kaysa sa mga sagot."

Tahimik si Mateo. Tila ba ginagalang ang sandaling iyon. Hindi niya pinilit magsalita, pero hindi rin siya nagpakita ng lungkot. Sa halip, ngumiti ito, 'yung tipong ngiting may pang-unawa.

"Kaya siguro gusto ko ng mga larawan, Father," ani Mateo. "Dahil kahit tahimik sila, totoo pa rin sila. Hindi sila nagsisinungaling. Kapag peke, kita mo agad."

Napatingin si Gabriel sa camera na nakapatong pa rin sa lamesa. "Pero ang pananampalataya hindi mo makukunan sa lente."

"Pero pwede mong maramdaman sa larawan," sagot ni Mateo. "Tulad nitong lumang simbahan. Hindi ko man siya sinasamba, pero nararamdaman ko 'yung bigat ng pananampalatayang lumipas dito. 'Yung bawat upuan na naupuan ng taong nagdasal. Bawat kandilang sinindihan dahil sa pangangailangan o pasasalamat. Hindi ko kailangang maniwala para maramdaman 'yon."

Napangiti si Gabriel. "Hindi lahat ng naniniwala, nauunawaan. At hindi lahat ng hindi naniniwala, walang malasakit."

Tumango si Mateo. "Minsan nga, 'yung mga pinaka nagmamahal ay 'yung hindi inaasahan."

Nagtagpo muli ang tingin nila. Panandaliang katahimikan. Hindi ito nakakailang na tinginan, kundi puno ng bigat—hindi dahil sa hindi nila alam ang sasabihin, kundi dahil pareho silang nauunawaan ang hindi na kailangang banggitin.

"Ano bang pinaniniwalaan mo, Mateo?" tanong ni Gabriel, tila ba nais alamin kung saan talaga nakatayo ang kausap.

"Paniniwala?" Umiling si Mateo. "Wala akong isang paniniwalang sinasandigan. Pero naniniwala ako sa kalayaan. Sa karapatang magmahal ng walang takot. Sa mga kwentong hindi palaging tinatanggap ng lipunan. Sa mga taong hindi nagsisimba pero may malasakit. At sa mga taong hindi nagsisimba pero marunong makinig."

Napapikit sandali si Gabriel, marahan ang hinga. Tila ba tinatanggap na ang pag-uusap nila ni Mateo ay lumalalim na"At sa palagay mo, mali ba ang simbahan dahil sa mga limitasyon nito?"

"Hindi naman mali, Father," sagot ni Mateo. "Pero hindi rin siya perpekto. May mga taong hindi tinatanggap ng simbahan, kahit hindi naman sila masama. Minsan, pakiramdam nila, kailangan nilang itago kung sino sila para lang masabing banal. Hindi ba't kabaligtaran 'yon ng pagmamahal?"

"Ang simbahan ay gawa ng tao," ani Gabriel, halos bulong. "At ang tao ay marupok."

"Kaya siguro mas pinipili ko ang camera kaysa sa pulpito," ani Mateo. "Kasi sa camera, pwede kong ikwento ang mga hindi kinukwento. Pwede kong ipakita ang mga pagmamahalang hindi ipinagdiriwang."

Napahawak si Gabriel sa krusipihong nakasabit sa kwelyo ng kanyang soutana. Hindi niya alam kung dahil ba sa mga salita ni Mateo o dahil nararamdaman niyang unti-unting nauuga ang mga pader ng kanyang tahimik na mundo.

"Alam mo, Mateo, ang hirap ipaliwanag kung bakit pinili kong maging pari," aniya. "Hindi dahil sigurado ako. Hindi dahil malakas ang pananampalataya ko. Kundi dahil kahit maraming tanong, pinili kong magtiwala. Hindi para sa sarili ko, kundi para sa ibang tao na umaasa."

"Pero hindi ba unfair sa'yo, Father? Na kailangan mong magsalita para sa paniniwalang hindi mo lubos na pinaniniwalaan?"

Ngumiti si Gabriel, mapait. "Hindi lahat ng pagkukulang kailangang itago. Minsan, 'yung pagtanggap sa kakulangan mo ang nagtuturo sa iba kung paano magmahal nang buo."

Sandaling katahimikan. Sa labas, bumubuhos parin ang ambon. Naririnig nila ang pagpatak nito sa lumang bubong ng simbahan. Parang sinasadyang himig sa kanilang usapan.

"Salamat, Father," ani Mateo. "Hindi dahil may sagot ka, kundi dahil marunong kang makinig."

"Ikaw din. Salamat. Hindi lahat ng bisita sa simbahan, may dalang tanong na mahalaga."

Ngumiti si Mateo. Tumayo at muling kinuha ang kanyang camera. "Babalik ako bukas. Marami pa akong gustong malaman."

"Bukas, mas maayos na ang ilaw sa loob ng opisina. Mas maganda ang kuha mo sigurado."

Habang palabas na si Mateo, lumingon pa siya kay Gabriel. "Father... kung sakaling may gusto kayong sabihin na hindi niyo masabi sa pulpito... pwede n'yong sabihin sa lente ko."

Nagtagpo muli ang kanilang mata. Walang salita. Pero sa katahimikan, may lumikha ng koneksyon—hindi bilang pari at bisita, kundi bilang dalawang taong pareho lang naghahanap ng tinig sa gitna ng katahimikan.

At muling bumalik ang katahimikan sa loob ng simbahan, pero iba na ito ngayon. Hindi na ito tahimik na walang laman, kundi tahimik na puno ng nasimulang kwento. 

Comments